Inanunsyo ni Health Sec. Francisco Duque III na hindi na papayagang makapasok sa Pilipinas ang mga biyahero na manggagaling sa 20 bansang nakapagtala na ng bagong variant ng COVID-19.
Ayon kay Duque, epektibo ang expanded travel ban simula alas-12:01 ng hatinggabi ng Disyembre 30 at tatagal hanggang Enero 15, 2021.
Ang mga bansang ito ay ang mga sumusunod: United Kingdom, Switzerland, Denmark, Hong Kong, Ireland, Japan, Australia, South Africa, Israel, Netherlands, Canada, France, South Korea, Singapore, Germany, Iceland, Italy, Spain, Lebanon, at Sweden.
Sakop aniya sa naturang ban ang lahat ng mga biyahero, mapa-Pinoy man o banyaga.
Para naman sa mga pasaherong in-transit na, sinabi ni Duque na makakapasok pa rin ang mga ito pero kailangan nilang sumailalim sa 14-day mandatory quarantine sa mga accredited facilities.
Ito aniya ay kahit negatibo ang mga ito sa kanilang RT-PCR test.
Hindi naman aniya kasama sa ban ang mga returning overseas Filipino workers.
“Except for OFWs. ’Yun ang gusto ng pangulo na ang mga OFWs, ang mga kababayan natin hayaan silang makapasok but they will have to undergo strict 14-day quarantine,” wika ni Duque.