Nagkakasundo ang ilang mga boxing analysts na malaki ang naging papel ng malawak na karanasan ni Sen. Manny Pacquiao sa boxing upang manaig sa sagupaan nito kontra kay Keith Thurman nitong Linggo sa Las Vegas.
Matatandaang nauwi sa split decision ang bakbakan, na dahilan kaya naagaw ni Pacquiao kay Thurman ang WBA “super” welterweight title.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng batikang eksperto na si Atty. Ed Tolentino na ipinamalas ng fighting senator ang tibay nito kahit sinalo na niya ang mga suntok ni Thurman sa kalagitnaang mga rounds.
Malaking bagay din aniya ang 1st round knockdown ng Pinoy ring icon kay Thurman na isa sa mga nagdikta ng resulta ng boxing match.
Sa punch stats na inilabas ng Compubox, mas kakaunti ang naikonektang suntok ng Pinoy icon kumpara kay Thurman, 210-195, pero mas naging epektibo pa rin si Pacquiao na nagpaulan ng mas matitinding mga suntok.
Gayunman, ang nakakatakot lamang dito ani Tolentino na sang-ayon sa nasabing statistics, lumalabas na maraming sinalong suntok si Pacquiao.
“Ibig sabihin, maaaring hindi malakas o whatever pero tinatamaan na si Pacquiao. ‘Yun pong statistics ni Thurman, this is the first time since the Antonio Margarito fight na ang daming sinalong suntok ni Pacquiao,” wika ni Tolentino.
Sa nabanggit na laban na ginanap noong 2010, sumalo ng 229 suntok si Pacquiao ngunit hindi ito naging hadlang upang mapanalunan ang bakanteng WBA light middleweight belt.
Gayundin ang naging pahayag ni sports analyst Homer Sayson kung saan sinabi nito na maaari raw na nauwi sa draw ang laban kung hindi napatumba ni Pacquiao si Thurman sa umpisa.
Nang makapanayam ng Bombo Radyo si Sayson, inihayag nito na hindi na rin daw maikakaila na lumilitaw na ang pagka-40-anyos ni Pacquiao dahil sa tila pagiging stationary ng kilos nito sa unang bahagi ng Rounds 6 hanggang 8.
Sa kabila nito, naniniwala si Sayson na hindi pa rin nawawala ang lakas at liksi ng 8-division world champion sa ibabaw ng ring.
“Nakikita natin talaga na boxing is a young man’s game. Kung na-notice ng mga nanood ng fight, the first to go when a fighter gets tired are the legs. Kaya nga naging stationary si Pacquiao, if you remember those rounds na natamaan si Manny, those were the times na hindi na siya tumakbo, Nagpasuntok na lang siya around the rope,” ani Sayson.
“Kaya lang, like I said, because of [his] experience, he was able to ika nga weather the storm,” dagdag nito.