Isang “experimental chewing gum” na naglalaman ng isang protina na bumibitag o trap ng mga particle ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang nadiskobre ng mga eskperto.
Maaari nitong malimitahan ang dami ng virus sa laway at makatulong na pigilan ang transmission kapag ang mga nahawaang tao ay nagsasalita, humihinga o umuubo, base sa paniniwala ng mga researcher.
Ang gum ay naglalaman ng mga ACE2 protein na matatagpuan sa ibabaw ng mga cell na ginagamit ng virus bilang gateway upang makapasok at mahawaan ang mga ito.
Sa ginawang test-tube experiment gamit ang mga saliva at swab samples mula sa mga nahawaang indibidwal, ang mga particle ng virus ay nakakabit sa ACE2 “receptors” sa chewing gum.
Bilang resulta, ang viral load sa mga sample ay bumaba ng mahigit sa 95%, ayon sa research team mula sa Unibersidad ng Pennsylvania sa Molecular Therapy.
Ang lasa ng gum ay katulad ng conventional chewing gum na maaaring maimbak ng maraming taon sa normal na temperatura, at nginunguya ito na hindi makakapinsala sa ACE2 protein molecules.
Iminungkahi ng mga eksperto ang paggamit ng naturang chewing gum upang mabawasan ang mga viral load sa laway at magdaragdag sa benepisyo ng mga bakuna na magiging kapaki-pakinabang sa mga bansa kung saan ang mga bakuna ay hindi pa available o affordable.