Ubos na rin ang suplay ng experimental COVID-19 drug na Tocilizumab sa Pampanga.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Zenon Ponce, maging ang mga taga-Metro Manila at Bulacan ay naghahanap na rin anya ng suplay ng naturang gamot sa lalawigan.
Bagamat madami naman aniyang nabili ang local government unit na suplay ng oxygen tanks, antibiotics, dexamethasone at Remdesivir na ginagamit din na gamot sa mga COVID-19 patients.
Saad din ng opisyal, nakapaglaan na sila ng gamot na ipapamahagi para sa mga mild COVID-19 patients sa mga barangay.
Nauna rito, pansamantalang itinigil muna ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City ang pamamahagi ng Remdesivir at Tocilizumab para sa mga pasyente ng severe COVID-19 infections.
Ito ay sa kadahilanang bumaba ng husto ang suplay ng mga nasabing gamot.
Sa anunsiyo ng hospital management, iginiit nito na ang mga pasyenteng may severe COVID infections na lang ang bibigyan nila ng gamot dahil umabot na sa “critical” ang stock level nito sa kanilang pharmacy.
Una nang iniulat ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na batay sa Executive Order 104 ng Pangulong Duterte ang maximum retail price ng Tocilizumab ay P14,566.97 para sa 200mg/10mL vial at P28,830.84 naman para sa 400mg/20mL vial.
Habang ang Remdesivir SRP na 100mg vial ay pinakamababa umano ay nasa P1,500 at ang pinakamataas na pagbenta ay P8,200.
Sa ngayon may mga reports na sinasamantala ng ilang mga negosyante sa online pricing na umaabot pa ng hanggang P65,000 ang Remdesivir.
Babala pa ng DOH, “as per Rule XII, Section 1 of DTI, DA, DOH, DENR Joint Administrative Order No. 1 S. 1993, “any person found to have committed any illegal act of price manipulation as defined and prohibited under Section 5 of RA 7581, as amended, shall be penalized administratively and criminally.”
Sa mga reklamo mag-email sa pddrugpricemonitoring@gmail.com