-- Advertisements --

Hindi na umano ikinagulat ng ilang eksperto ang findings ng National Transportation Safety Board (NTSB) na pilot error ang dahilan ng pagbagsak ng helicopter noong nakaraang taon habang sakay ang basketball legend na si Kobe Bryant at walong iba pa.

Ayon kay Anthony Brickhouse, isa ring dating NTSB investigator at ngayon ay associate professor ng aerospace safety at Embry-Riddle Aeronautical University, hindi na sila nasorpresa sa kinalabasan ng imbestigasyon.

Ang pinakakaaantay na findings ng NTSB ay lumabas mahigit isang taon matapos na bumagsak ang Sikorsky S-76B helicopter sa bulubunduking bahagi ng Calabasas, California noong January 26, 2020.

Liban kay Bryant, namatay din sa trahedya ang 13-anyos na anak niya na siya Gianna at iba pa, habang patungo sa isang youth basketball game.

Sa inilabas na pahayag ng National Transportation Safety Board, ipinilit daw ng piloto na lumipad kahit alam na nito na masama ang panahon.

Isa ring nakita, maaaring dumanas ang piloto nang tinatawag na spatial disorientation na ang akala nito ay lumilipad na pataas ang helicopter subalit sa katunayan ay pabagsak na pala ito.

Nanindigan din si NTSB Chairman Robert Sumwait na nilabag ng piloto ang visual flight rules na basta na lamang nagdesisyon.

Bilang reaksyon ng eksperto na si Brickhouse, sinabi nito na kapag nakaranas ang piloto ng spatial disorientation, napakabilis itong pangyayari at magdudulot ito ng loss of control hanggang sa maging isang deadly event ang susunod.