-- Advertisements --

Hati ang reaksiyon ng mga grupo ng health workers sa desisyon ng gobyerno na pwede na ang optional sa pagsusuot sa face mask kapag nasa outdoor.

Ang isa pang grupo ng mga doktor ay kabilang sa kinontra ang naturang hakbang ng pamahalaan.

Sinabi ni Dr. Maricar Limpin, dating presidente ng Philippine College of Physicians, nangangamba siya sa malaking implikasyon ng naturang desisyon.

face mask 1

Ayon sa kanya hindi pa rin naman nawawala ang pandemya at may nakikita silang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang hospital.

Depensa ni Limpin alam daw nila ang datos dahil ito ang naibibigay sa kanila mula sa ground.

Paliwanag pa nito, kung tutuusin napakababa pa ang porsyento ng mga kababayan na sumailalim sa booster shots.

Inaasahan din nila na hihina ang unang bakuna na itinurok sa ilan sa ating mamamayan.

Isa pa raw sa ikinababahala ni Dr. Limpin ay ang mga taong hindi nag-iingat sa labas ng tahanan at pagdating sa loob ng bahay ay dala-dala na ang virus at makakasalumuha ang mga may sakita o imminucompromised tulad na lamang ng mga mas sakit sa puso, sa baga, kidney, diabetes at iba pa.

Samantala, pabor ang Philippine Federation of Professional Association (PFPA) sa naging pahayag ng Department of Health (DoH) na patuloy pa ring magsuot ng face masks sa mga public and open spaces kahit na ito ay boluntaryo na lamang.

Paliwanag sa Bombo Radyo ng vice president ng grupo na si Dr. Benito Atienza, kinakailangang alalahanin ang mga batang 6 months to 4 years old at mga matatanda dahil sila ang vulnerable sa COVID-19.

Dagdag pa ni Atienza, kinakailangan na rin ng dagdag booster dose sapagkat patuloy na raw bumababa ang immunity o anti-bodies ng lahat laban sa virus.

Samantala, binigyang diin naman ng Alliance of Health Workers (AHW) na hindi pa napapanahon na ipatupad ang boluntaryong pagsusuot ng face mask dahil lalo pang nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease.

Inihayag ni AHW President Robert Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahalaga pa rin na magkaroon ng prevention bilang proteksyon hindi lamang sa COVID-19 kundi maging sa iba pang sakit.

Aniya, kahit kasi boluntaryo tiyak na maraming hindi na magsusuot ng face mask lalo pang mababa pa lang ang COVID booster coverage.