CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinatuwa pa ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang kaliwa’t kanan na batikos at pagpuna ng kanilang mga kritiko kung paano pamahalaan ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pahayag ito ni BTA Technical and Higher Education Minister Mohaguer Iqbal ilang araw matapos nag-umpisa na sila ng kanilang trabaho bilang mga pinuno sa bagong tatag na BARMM.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Iqbal na totoo na nagmula sa rebolusyon subalit sumasandal naman sila sa kanilang kakayahan katuwang ang mga kinuha na eksperto upang igabay sa mga dapat gagawin para maipabot ang serbisyo sa Bangsamoro people na akma sa kultura at tradisyon.
Sinabi ni Iqbal maluwag nila na tinanggap ang lahat ng mga puna dahil alam naman ng grupo na hindi sila perpekto at makakatulong sa kanila ang mga banat ng mga kritiko.
Sa ngayon gagamitin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kanilang higit apat na dekada na karanasan bilang armed group subalit sa paraang hindi na gagamit pa ng mga baril dahil katuwang na ang mga ito sa gobyerno.
Napag-alaman na hinamon sila ni Pangulong Rodrigo Duterte na pamahalaang mabuti ang BARMM na inaasahan na isa sa mga sasagot sa matagal ng problema sa mga taga-Bangsamoro Region.