Papahintulutan ng Department of Education (DepEd) ang mga paaralan na i-extend pa ang oras ng mga in-person session para sa teaching at learning sa ilalim ng implementasyon ng expansion phase ng limeted face-to-face classes sa ilang mga paaralan sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.
Sinabi ni Education Assistant Secretary Malcolm Garma na bibigyan ng “flexible” contact time sa pagtuturo ang mga paaralang mapapayagang makibahagi sa naturang expanded in-person classes upang ma-maximize pa ng mga mag-aaral ang oras na kanilang igugugol dito.
Paliwang niya, noong panahon daw kasi ng pilot implementation ng face-to-face classes ay natuklasan ng kanilang kagawaran na nararamdaman ng mga estudyante na hindi dapat ang oras na sila ay nasa paaralan dahil tatlo hanggang apat na oras lamang ang pinapayagang ilaan ng mga kalahok na paaralan sa pagtuturo noon.
Nakatanggap din aniya sila ng feedback mula sa mga guro na nagsasabing hindi sapat ang mga naturang oras para masakop ang kanilang mga lesson.
Sinabi pa ng opisyal na ninanais din ng DepEd na magbigay ng takdang oras para sa pagpapaalala ng health protocols sa mga mag-aaral dahilan kung bakit gusto pa nitong madagdagan pa ng ilang oras sa contact time sa panahon ng face-to-face classes.
Batay sa inilabas na interim guidelines ng kagawaran hinggil sa expansion phase ng limited in-person classes ay pagkakalooban ang mga paaralan ng “flexibility sa contact time” para sa teaching at learning, ngunit sa isang kondisyon na ang pagkain ay hindi kukunin sa paaralan maliban na lamang tuwing managed recess kung saan ay papayagan lamang ang mga estudyang kumain ng kanilang meryende sa loob ng eskwelahan hangga’t may nakabantay na mga guro sa mga ito dahil iniiwasan hangga’t maaari na kumain ang mga ito sa loob ng paaralan sapagkat kinakailangan ng mga ito na hubarin ang kanilang mga facemask tuwing kakain.
Dagdag pa ni Garma na isinasaalang-alang din ng DepEd na palawigin pa ang contact time sa panahon ng pinalawak na face-to-face classes sa loob ng hindi baba sa limang oras.
Kabibilangan din aniya ng iba pang grade levels ang naturang expansion ng mga personal na klase kung saan sasaklawin na nito ang Kinder hanggang Grade 12.
Samantala, nilinaw naman ng opisyal na magdedepende pa rin ito sa kapasidad ng isang eskwelahan na makahanap ng tamang combination at programming upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro.