-- Advertisements --
252525647 187706253526445 8040290098312546688 n

Magkakaroon na ng extension sa mall hours tuwing weekdays sa National Capital Region (NCR) simula sa Nobyembre 15.

Sa advisory na inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang bagong operating hours ng mga mall mula Lunes hanggang Biyernes ay mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi.

Ang pagpapalawig umano ng mall operating hours sa araw ng Lunes hanggang Biyernes ay alinsunod sa MMDA Resolution No. 21-25.

Inaprubahan ito ng policy-making Metro Manila Council (MMC) na kinabibilangan ng 17 alkalde sa Metro Manila.

Pero ang isasagawang sale sa mga mall ay limitado pa rin tuwing weekends at holidays.

Una nang sinabi ni MMDA chairperson Benhur Abalos na napagkasunduan ng mga operators ng mga mall na palawigin ang operating hours.

Paliwanag pa ng MMDA, layon ng adjustment ng mall hours na hindi magkaroon ng mabigat na daloy ng trapiko lalo na’t papalapit na rin ang Christmas season.

Kung maalala, ang NCR ay inilagay na sa Alert Level 2 noong Biyernes at magtatagal ito hanggang Nobyembre 21.