-- Advertisements --

MANILA – Nakukulangan ang Department of Health sa isang linggong enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatupad sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan o “NCR Plus.”

Kaya naman inirekomenda ng ahensya sa Inter-Agency Task Force (IATF) na magkaroon ng extension ang ECQ para talagang mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, dapat talaga ay dalawang linggo ang pagpapatupad sa pinaka-mahigpit na lockdown para makakita ng pagbaba sa numero ng coronavirus cases. Gayundin ang epekto sa healthcare system.

Aminado ang opisyal na kung matatapos lang sa April 4 o sa linggo ang ECQ implementation ay posibleng madagdagan pa ng mas maraming kaso ng COVID-19 ang talaan ng bansa.

“That’s really short. We won’t even see any changes in our numbers. We might see more numbers after this 1 week because what we’re seeing right now are the numbers 2 weeks prior to this week. We are still going to see an accumulation to these numbers for the next 2 weeks,” ani Vergeire sa interview ng ANC.

Batay sa obserbasyon ng DOH, inaabot ng siyam na araw bago nakakapag-isolate ang isang kumpirmadong kaso dahil: una, hindi naman daw agad nagpapakonsulta ang mga nakakaramdam sintomas; at pangalawa, inaabot pa ng sumuod na araw bago magpa-test at lumabas ang resulta.

Sa ngayon nasa 1.46 ang reproduction number ng COVID sa bansa. Ibig sabihin, tinatayang higit 140 indibidwal ang nahahawaan ng isang taong may COVID.

Nilinaw ni Vergeire kailangan pa rin ng karagdagang ebidensya para matiyak na balanse pa rin ang ekonomiya sakaling ma-extend nga ang ECQ.

Bago mag-Linggo ay susuriin muli ng Health department ang mga datos para makapagbigay ng kongkretong rekomendasyon sa pamahalaan.

“Extension for another week was recommended but nothing is final and IATF works in a whole of government approach. There will be an assessment of the progress before ECQ ends,” ayon sa DOH.