Mariing pinabulaanan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang ispekulasyon na papalawigin pa ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.
Sa virtual press briefing nitong araw, sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles, tagapagsalita ng IATF-EID na walang katotohanan ang haka-haka na magkakaroon pa ng extension ang ECQ na nakatakda nang matapos sa darating na Abril 30, 2020.
Binigyan diin ni Nograles na hindi nila pinag-uusapan sa IATF-EID ang pagkakaroon pa ng extension ng lockdown sa buong Luzon.
Nauna nang itinakda ng pamahalaan ang pagtatapos ng ECQ sa darating na Abril 13 makalipas ang isang buwan nang unang ipinatupad ito.
Pero kamakailan lang ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng IATF-EID na palawigin pa ito ng hanggang Abril 30 dahil sa patuloy pa ring pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.