Kinumpirma ni PNP Chief P/D/Gen. Ronald Dela Rosa na nakita na niya ang soft copy kaugnay ng kaniyang extension bilang pinuno ng pambansang pulisya.
Sa panayam kay Dela Rosa, kaniyang sinabi na pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang order na siya ay inextend ng tatlong buwan ang termino bilang pinuno ng PNP.
“Yung soft copy pa lang. nakita ko na pirmado na ni President up to April 21,2018, katatanggap ko lang ng order the other day na yun nga na extend ako ni Presiente, imbes ako retire ng Jan 21, another three months daw so April 21,” pahayag ni PNP chief.
Binigyang-diin nito na ngayong pinalawig ang kaniyang termino ay gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya lalo na sa kampanya laban sa iligal na droga.
‘No comment’ naman si PNP chief sa kung sino ang posibleng pumalit sa kaniyang pwesto kapag nagretiro na siya sa serbisyo sa April 21, 2018.
Aniya, wala pang napipisil si Pangulong Duterte sa kung sino ang papalit sa kaniyang pwesto.
“Tanong niyo si Presidente, mamaya palpak tayo diyan, …basta sabi niya wala siyang napipisil pa so hintay na lang tayo,” pahayag ni Dela Rosa.