DAVAO CITY – Nagsagawa ngayon ng extensive contact tracing ang lokal na pamahalaan ng Davao City at Tagum matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na ng tig-isang kaso ng delta variant ang dalawang siyudad sa Davao region.
Nabatid na nasa 185 samples ang una ng ipinadala ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit sa University of the Philippines – Philippine Genome Center kung saan sa nasabing bilang, 79 samples ang variant of concerns.
Dalawang Delta cases ang mula umano sa Davao City at Tagum City.
Kahit na nakarekober na ang mga ito, kailangan pa rin umanong sumailalim sa isolation ang mga ito dahil sa pending repeat RT-PCR tests.
Sa kasalukuyan, nasa 1,893 total samples na mula sa Davao region ang naipadala sa University of the Philippines – Philippine Genome Center para sa Whole Genome Sequencing.
Muling nanawagan ang DOH-11 sa publiko na magpabakuna at siguraduhin na makompleto ang dalawang doses ng bakuna para magkaroon ng sapat na proteksiyon laban sa virus.