Muling isasalang sa panibagong proceedings o paglilitis sa Court of Appeals ng Timor-Leste ang extradition case ni dating Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr. ayon sa Department of Justice.
Bunsod nito, inaasahang maantala ang extradition ng sinibak na mambabatas na itinuturong utak sa pagpatay kay dating Gov. Roel Degamo at 9 na iba pang mga indibidwal.
Ayon sa DOJ, nagresulta ang panibagong trial mula sa procedural objections ng mga abogado ni Teves sa Timor-Leste.
Malinaw aniya na ang naturang hakbang ay huling napag-isipan na idinulog lamang matapos ang proceedings makaraang hindi naging paborable sa dating mambabatas ang desisyon. Saad pa ng ahensiya na sa batas ng Pilipinas, ipinagbabawal ito sa ilalim ng principle of estoppel na nagbabawal sa isang partido na hamunin ang procedural issues kapag aktibong nakibahagi sa proseso at nabigong mag-raise ng objections nang mas maaga.
Sa kabila nito, kumpiyansa ang DOJ na pareho ang kalalabasan ng panibagong trial gaya ng nauna ng desisyon ng CA at kakaharapin ni Teves ang patung-patong na murder charges na inihain laban sa kaniya sa korte sa Pilipinas.
Ayon naman kay Justice ASec. Mico Clavano na ipripisenta ang parehong ebidensiya sa bagong proceedings subalit sa pagkakataong ito sa harap ng 3 hukom.