CAUAYAN CITY – Maaaring maging kumplikado umano ang isasagawang extradition kay Pastor Apollo Quiboloy, ang umano’y tinaguriang “appointed Son of God” ng Kingdom of Jesus Christ matapos siyang mapabilang sa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa kasong human at sex trafficking.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jon Melegrito, news editor sa isang pahayagan sa Washington DC, iniulat niya na una nang sinampahan ng kaso si Pastor Quiboloy noong November 10, 2021 at itinuturing na fugitive matapos nitong tumakas sa California at umuwi sa Pilipinas .
Dahil dito ay inilathala ng FBI si Pastor Quiboloy sa kanilang wanted list upang mapadali ang paghahanap at matukoy kung saan siya nagtatago.
Subalit, dahil sa extradition treaty ng Estados Unidos at Pilipinas na inaprubahan noong 1994 ay kailanganin pa ang diplomatic request mula sa Estados Unidos patungo sa DFA sa Pilipinas.
Ang Justice Department naman ng Pilipinas ang tutukoy sa probable cause at magbibigay ng pahintulot upang ipasakamay sa US si Quiboloy upang mapabalik sa Estados Unidos para maiharap sa korte.
Isa ang korte ng Central California sa mga nagsusulong sa extradition ni Pastor Quiboloy at kabilang sa mga isinampang kaso laban sa kaniya ay anim na ang iba pa ay conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, marriage fraud, fraud and mis-use of visas, bulk cash smuggling, promotional money laundering, concealment money laundering at international promotional money laundering.