ILOILO CITY – Tanging ang extradition request na lamang mula sa South Korea ang hinihintay ng National Bureau of Investigation (NBI) para maibalik sa kanilang bansa ang itinuturong suspek sa pagpatay sa kapwa overseas Filipino worker (OFW) na isinilid pa sa septic tank.
Ito’y kasunod ng pagkadakip ng NBI-International Operations Division kay Yugoslav Magtoto sa Candaba, Pampanga, na pumatay kay Michael Angelo Claveria, 34, residente ng Barangay Poblacion Rizal Ilawod, Cabatuan, Iloilo.
Ang pag-aresto ay ginawa sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court, na hiniling ng mga otoridad ng South Korea.
Ayon kay Atty. Auralyn Pascual, Deputy Spokesperson ng NBI, naglabas din ng red notice ang Interpol laban kay Magtoto na nahaharap sa kasong murder, exploring tombs, larceny, at paglabag sa Specialized Credit Finance Business Act.
Si Claveria ay unang iniulat na nawawala noong 2015.
Ngunit nitong 2018 nang matagpuan ng pulisya sa South Korea ang mga buto ng Ilonggo worker sa isang septic tank sa paint factory ng isang Industrial Technologies doon at nang isailalim sa DNA test ay nakumpirma na ito ay si Claveria.
Si Magtoto ay nagalit umano matapos tanggihan ni Claveria na makigpagrelasyon sa kanya.