-- Advertisements --

Nais ituring ng Commission on Human Rights (CHR) at sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) bilang isang hiwalay na krimen at hindi lamang bilang bahagi ng murder ang extra judicial killings (EJK). Ito ay para mapanagot ang mga totoong mga taong sangkot sa likod ng mga pagpatay.

Ayon sa mga ahensya, ang pakikibahagi ng mga opisyal ng gobyerno ang nagiging pangunahing katangian ng EJK. Aniya, ang EJK ay isang pag-abuso sa kapangyarihan ng estado, gamit ang mga patakaran, makinarya, at pondo ng gobyerno upang gawing kalunos-lunos ang isang ordinaryong kaso ng pagpatay.

Ayon kay CHR Human Rights Protection Office Director Jasmin Navarro-Regino, ang pag-classify ng EJK bilang isang hiwalay na krimen ay magpapahusay sa mga imbestigasyon at pag-uusig, na magpapapanagot sa mga may sala. Kapag aniya ginawa itong aggravating qualifying circumstance, ang pokus ay mapupunta sa indibidwal na may sala, sa halip na sa sistematikong mga sanhi na nagdudulot ng ganitong klase ng pagpatay.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta ang pangulo ng NUPL na si Ephraim Cortez sa paninindigan ng CHR na dapat magkaroon ng hiwalay na batas para sa EJKs.

Ayon kay Cortez, kung aamyendahan lamang aniya ang Revised Penal Code (RPC) at gagawing bahagi lang ng murder ang EJK, lalo lamang daw nitong pahihirapan ang pag-uusig sa mga kaso ng EJK.

Bukod dito, iminungkahi din ni Cortez na dapat managot sa krimen ang mga nakatataas na opisyal ng mga sangkot na alagad ng batas, batay sa prinsipyo ng command responsibility, sa halip na limitahan lamang ang pananagutan nila sa administratibong kapabayaan at iba pa.

Top