Nananatiling seryosong problema ang extrajudicial killings sa Pilipinas base sa report mula sa US State Department.
Sa 58 pahinang Country Reports on Human Rights Practices, sinabi ng ahensiya na walang gaanong pagbabago sa sitwasyon pagdating sa karapatang pantao sa PH.
Subalit nakasaad sa naturang report na ang bilang ng mga insidente ng arbitrary at extrajudicial killings at iba pang pang-aabuso ng government agents ay bumaba noong 2023.
Iniugnay ng US State Department ang EJK sa mga hindi makatarungang pagpatay ng kapulisang may kinalaman sa war on drugs sa gitna ng pagpapatuloy nito sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sinimulan ng kaniyang predecessor na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinunto naman ng ahensiya na nakatuon ang kasalukuyang administrasyon sa treatment at rehabilitation, due process at rule of law-based investigations kumpara sa pamamaraan ng Duterte administration na kumitil aniya ng libu-libong katao base sa record ng local at international human rights organization.
Base sa data mula sa non-government organization na Dahas PH, sinabi ng US State department na mayroong 209 na insidente ng pagpatay sa mga operasyon kontra iligal na droga mula Enero hanggang Agosto ng nakalipas na taon.
Binanggit din sa report na nasa 15 drug-related EJKs ang inimbestigahan ng CHR kasama dito ang 8 kaso sangkot ang mga pulis.
Binanggit din sa report ng US State Department ang kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa sa Pamplona massacre noong Marso 2023.
Kung saan ang itinuturong mastermind o utak ng pagpatay kay Degamo ay ang pinatalsik na mambabatas na si Arnolfo Teves Jr. na kasalukuyang nakadetine sa kustodiya ng Timor-Leste.