-- Advertisements --

Siyam na katao na ang namatay sa bagong paglaganap ng ‘Marburg’ virus, isang nakamamatay na uri ng virus na kahawig ng Ebola, ayon sa World Health Organization (WHO).

Habang 10 tao na ang nahawaan ng virus sa Tanzania, kung saan iniulat ang outbreak noong nakaraang linggo. Sa mga kasong ito nagpapakita ang naturang virus ng 90% na mortality rate.

Nangyari ang naturang outbreak sa rehiyon ng Kagera sa hilagang-kanlurang bahagi ng Tanzania, isang lugar na may halos tatlong milyong populasyon. Dahil sa madaling access mula sa pangunahing paliparan sa Dar es Salaam, nag-aalala ang mga eksperto na maaari pang kumalat ang virus.

Samanrala kasalukuyan nang binabantayan ang 281 na katao na pinaniniwalaanh nakasalamuha ang mga nahawang indibidwal.

Wala pang bakuna o panglunas para sa ‘Marburg’ virus, kaya ang mga doktor at health workers ay nakatutok sa pagpapalakas ng tsansa ng mga pasyente na mabuhay, bagamat mataas din ang panganib na sila ay mahawaan.

Ang Marburg ay isang hemorrhagic fever na nagdudulot ng matinding pagdurugo mula sa mga mata, bibig, at tainga. Maaaring maipasa umano ito sa pamamagitan ng paghawak sa mga likido mula sa katawan ng mga nahawaang tao o mga kontaminadong bagay.

Bagaman mataas ang mortality rate, sinasabi ng WHO na mababa pa rin ang panganib ng pagkalat ng virus sa buong mundo dahil hindi ito madaling maikalat mula sa tao.

Patuloy naman ang mga ginagawang pagtutok at pagmomonitor ng WHO para sa mga kasunod pang kaso ng naturang virus.

‘We would expect further cases in the coming days as disease surveillance improves,’ Pahayag ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus sa kaniyang social media.