-- Advertisements --

Nagbigay pahintulot na ang administrasyon ni US President Donald Trump sa US Congress upang ituloy na ang $8 billion deal ng 66 na F-16 fighter aircraft sa Taiwan sa kabila ng mariing pagtutol ng Chinese government.

Una nang sinupalpal ng China ang naturang proposed deal matapos maglabasan ang mga impormasyon hinggil dito noong nakaraang linggo.

Ayon sa State Department, inaprubahan nito ang pagbebenta ng mga aircrafts sa Taipei Economic and Cultural Representative Office at Defence Security Cooperation Agency.

Sinigurado naman ng ahensya na hindi magbabago ang matagal na panahon nang pagsunod ng Estados Unidos sa “one China” policy.

Patuloy din umano na dedepensahan ng Washington ang Taiwan alinsunod sa Taiwan Relations Act. Itinuturing ng Beijing na paglabag sa kanilang polisiya ang kahit anong uri ng pagbebenta ng armas sa Taiwan.

Noong nakaraang linggo ay hinikayat ni Chinese foreign ministry spokeswoman Hua Chunying ang US na huwag ibenta ang naturang fighter aircraft at itigil ang lahat ng military contact nito sa Taiwan.

“The Chinese side will surely make strong reactions, and the US will have to bear all the consequences,” ani Hua.