-- Advertisements --

Inalis na ng Philippine Air Force (PAF) mula sa pagkaka-ground ang 11 natitirang FA-50 fighter jets halos isang buwan matapos ang pagbagsak ng isa nitong aircraft sa lalawigan ng Bukidnon na ikinasawi ng dalawang piloto.

Ayon Kay PAF spokesperson Ma. Consuelo Castillo simula noong Marso 25, nasa full operational na ang naturang fighter jets.

Sa katunayan noong Lunes, nagsagawa ang PAF ng blessing ceremony sa mga fighter jets at para sa mga piloto.

Ang muling pagpapahintulot naman sa paglipad ng mga fighter jet ay magbibigay daan sa pagbabalik ng mga ito sa kanilang mahahalagang misyon gaya ng maritime patrol, airspace security at suporta para sa nagpapatuloy na pagtutok sa military operations.

Nasa finalization stage nama na ang official report kaugnay sa isinagawang imbestigasyon sa pagbagsak ng fighter jet.

Matatandaan na noong Marso, nagpasya ang PAF na i-ground ang natitirang 11 FA-50 jet nito sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawa nitong piloto na sina Major Jude Salang-Oy at First Lieutenant April John Dadulla, matapos bumagsak ang kanilang fighter jet sa Mt. Kalatungan sa Bukidnon.