-- Advertisements --

Ipinagmamalaki ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mataas ang tinatawag na success rate ng kanilang FA-50 fighter jets na nasangkot sa friendly fire sa Marawi City na ikinasawi ng dalawang sundalo habang 11 ang sugatan.

Sinabi ni AFP spokesman B/Gen. Restituto Padilla na pati sila ay nagtaka kung bakit ito sumablay sa kaniyang target.

Pagbibigay-diin ni Padilla na sa 70 misyon na isinagawa ng FA-50 aircraft, lahat ay matagumpay at sapul lahat ang mga target.

Ang insidente sa misfire ang siyang unang beses na nasangkot sa friendly fire.

Nilinaw ni Padilla na ibang team na naman ang binuo para magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa insidente.

Aniya, hiwalay ito sa unang team na nag-imbestiga sa SF-260 na nasangkot din sa friendly fire.

Magkaiba aniya kasi ang circumstances sa nangyaring friendly fire kung saan, sa unang insidente ay tumama ang bomba direkta sa mga tropa kung kaya marami ang nasawi.

Ang insidente sa FA-50 ay iba kung saan bumagsak ang bomba sa isang istruktura na malapit sa kinaroroonan ng mga tropa.