LA UNION – Nananawagan ang Office of Civil Defenese (OCD)-Regional Office 4A sa mga kababayan na mag-donate na lamang ng face mask kaysa sa pagkain para sa mga naging biktima ng pag-alburoto ng bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay OCD-Region 4A Information Officer Alex Masiglat, sinabi nito na sapat naman ang mga ipinapamahagi na food at non-food item para sa mga kababayang apektado ng ash fall sa Batangas at Cavite.
Sa katunayan aniya ay marami ang tulong na dumarating para sa mga sinalanta ng kalamidad ngunit malaki ang kakulangan ng face mask upang gamitin bilang proteksyon sa ilong ng mga residente doon.
Hangga’t maaari aniya ay mas mainam para sa mga donors na magpadala na lamang ng face mask kaysa pagkain.
Samantala, wika pa ni Masiglat na pahirapan pa rin ang pagsasagawa ng evaluation sa lugar upang malaman ang lawak at halaga ng mga nasirang ari-arian dahil sa nagpapatuloy ang pag-alburuto ng bulkan.