KORONADAL CITY – Nagkakahumahog na ang mga Singaporeans na magkaroon ng mga face masks kaugnay sa banta ng coronavirus.
Kasunod ito sa pagkumpirma ng Singaporean authorities na nasa apat na ang kumpirmadong kaso sa naturang bansa.
Inihayag ni Marjorie Estoque, 14 taon nang OFW sa Singapore ngunit tubong-Janiuay, Iloilo sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, madali lamang umano ma-soldout ang mga face masks sa kanilang lugar.
Dagdag rin nito na first-come-first-served rin ang pagkuha ng mga maskara kung saan kahon-kahon umano ang binibili ng mga mamamayan.
Mahigpit rin ang ipinapatupad na monitoring sa kanilang mga airport kung saan kabilang sa kanilang panuntunan ay ang pagpapabalik sa bansa na pinagmulan ng mga indibidwal na mataas ang body temperature.
Samantala, taliwas sa ibang mga Asian nations na may mga kaso rin ng coronavirus, nagpatuloy pa rin Chinese New Year celebrations sa naturang bansa, kahit naka-maskara ang mga dumalo sa pagdiriwang.