Umaapela si Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo sa Kongreso na gawing exempted ang face masks, sanitizers ay iba pang protective goods sa mga import duties at local taxes.
Ayon kay Castelo, vice chairman ng House committee on Metro Manila development, matitiyak na sapat ang magiging supply, stable ang presyo, at maiwasan ang hoarding ngayong patuloy na tumataas ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.
“Our goal is to make these currently important health products available in the market and enable consumers to buy them at cost,” ayon kay Hipolito-Castelo.
Una rito, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of public health emergency matapos na inirekominda ni Health Secretary Francisco Duque lll.
Iginiit ng kongresista na kailangan bumaha ng health products sa mga pamilihan upang mapigilan ang pananamantala ng ilang negosyante at maging abot-kaya ang presyo ng mga ito.
Bagama’t mababawasan aniya ang kikitain ng gobyerno sa hakbang na ito, sinabi ni Hipolito-Castelo na kapalit naman ang kaligtasan ng publiko.
Samantala, nanawagan naman ito kay Duque na maging “straightforward” sa pagbabalita ng COVID-19 cases.