Muling kinansela ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang lahat ng klase sa mga pampublikong paaralan ngayong araw dahil sa mataas na heat index.
Batay sa inilabas na abiso ng LGU, sila ay magpapatupad ngayong araw ng Alternative Delivery Modes of Learning para sa kanilang mga mag-aaral.
Sa inilabas na datos ng iRISE-UP, inaasahang aabot sa 40°C ang heat index ngayong araw na ito kaya’t pinag-iingat nito ang publiko.
Una rito ay naglabas ng memo ang QC Division of City Schools bilang pagtalima sa memorandum ng Department of Education (DepEd) tungkol sa matinding init ng panahon.
Sa ilalim ng kautusan ng ahensya, pinahihintulutan nitong lumipat sa Alternative Delivery Modes mula sa face-to-face classes ang mga pampublikong paaralan kapag mataas ang heat index na nararanasan ngayong sa ilang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito ay sinabi ng lokal na pamahalaan na ipinapaubaya na nila sa mga pribadong paaralan kung sila ay magkakansela rin ng klase.
Sa kabila nito ay hinikayat rin nila ang mga pribadong eskwelahan sa lungsod na tumalima sa pambansa at mga lokal na anunsyo tungkol sa lagay ng panahon.