-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na posible pa rin ang pagpapatupad ng face-to-face classes lalo sa mga itinuturing na low risk areas.

Ayon kay DepEd Usec. Alain Pascua, hindi raw nila inaalis ang naturang posibilidad lalo pa’t batid nilang hindi nila mareresolba ang mental health issues ng mga bata kung walang face-to-face classes.

“Kung DepEd lang ang tatanungin, ang posisyon ng DepEd talaga ay gusto natin may face-to-face, kahit limited face-to-face kaya lang may national policy tayo, so susunod muna tayo sa national policy,” wika ni Pascua.

Sinabi pa ng opisyal, kasalukuyan nang tinatalakay ng DepEd at iba pang mga ahensya ang posibleng pagsasagawa ng in-person classes sa ilang mga lugar na mababa o halos wala nang naitatalang kaso ng COVID-19.

Maliban sa national policy, inihayag ni Pascua na may iba pang kailangang ikonsidera sakaling ipatupad na ang face-to-face classes.

“We’re having consultations on this and later on, the results of these consultations will be relayed to the President and IATF [Inter-Agency Task Force] if it’s possible to hold limited face-to-face classes,” anang opisyal. “Now, we’re in the process of consultation and we also have position papers on this but we have to adhere at this time there should be no face-to-face because that’s the national policy,” dagdag nito.