Sususpindihin ang face to face classes at magkakaroon ng mga libreng sakay ang mga commuters sa Lungsod ng Maynila, Muntinlupa, Caloocan at Cainta sa Rizal dahil sa isang linggong transport strike simula Lunes, Marso 6.
Nasa 40,000 public utility vehicles (PUVs) ang inaasahang sasama sa transport strike bilang protesta sa nakaplanong tradisyunal na jeepney phaseout sa ilalim ng pagpapatupad ng gobyerno ng public utility vehicle (PUV) modernization plan.
Hiniling ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga pampublikong paaralan na magsagawa ng mga asynchronous classes para sa mga estudyante sa lahat ng antas dahil sa napipintong transport strike.
Dagdag dito, hinikayat din nito ang mga pribadong paaralan sa loob ng lungsod na gawin din ito.
Bukod dito, ipatutupad din ng lokal na pamahalaan ang mga serbisyong “Libreng Sakay” para matulungan ang mga commuters na apektado ng isang linggong transport strike.
Una na rito, ang grupong Manibela ang mangunguna sa naturang transport strike na gagawin simula sa Lunes, Marso 6 ng taong kasalukuyan.