Aprubado na ng Commission on Higher Education (CHED) ang limitadong face-to-face classes para sa mga estudyante ng medicine at iba pang health sciences courses sa mga unibersidad na nasa modified general community quarantine areas (MGCQ).
Sinabi ni CHED Chairman Prospero De Vera III na ang ibang paaralan na nais magsagawa ng limited face-to-face classes ay kailangan munang mag-submit ng application sa kagawaran.
Sa oras na matanggap ng CHED ang aplikasyon ay saka lamang magtutungo sa campus ang mga ito upang mag-inspeksyon kung masusunod ng eskwelahan ang requirements para sa face-to-face classes.
Ilan sa mga unibersidad na pinayagang magsagawa ng face-to-face classes ay ang University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila Univerity, at Our Lady of Fatima University sa Valenzuela.
“The president has approved my recommendation to have limited face-to-face [classes] within higher education institutions in medicine and allied health sciences in MGCQ areas and in GCQ areas where the students go into COVID-19 hospitals,” ani De Vera.
Sa UP College of Medicine, aabot ng 200 mag-aaral ang magsasagawa ng rotation sa mga ospital para sa kanilang internship, habang 180 students naman ang bumalik na sa mga ospital noong Enero 18 para sa kanilang clinical clerkships.
Nabatid na tatlong interns at isang clerk ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay UP College of Medicine dean Dr. Charlotte Chiong, mas marami ang transmission sa komunidad kaysa sa ospital. Napatunayan aniya nila ito sa pamamagitan ng 11,000 testing sa mga healthcare workers ng Philippine General Hospital (PGH).
“We were pretty confident with our health protocols and this is the reason why I think we are actually confident of getting them back for their face-to-face rotations,” dagdag pa ni Chiong.