Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang gradual na pagbabalik ng limitadong face to face classes para sa lahat ng degree programs sa college level sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level system.
Batay sa inilabas na IATF Resolution 148-G, sa phase 1 implementation simula sa December 2021, maaring magsumite ng aplikasyon ang lahat ng higher educational institutions (HEIs) sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 2
Sisimulan naman ang phase 2 implementation ng face to face classes sa January 2022 kung saan maaring mag-apply ang lahat ng higher educational institutions sa mga lugar na nasa alert level 3.
Sa naturang resolution, paalala ng IATF ang patuloy na pagpapairal ng mga hakbang at restriksyon para mapabagal ang surge ng mga kaso ng COVID-19, mapigilan ang lalong pagkalat ng mga variants gayundin para mabigyan ng sapat na panahon para makabangon ang health system ng bansa at maprotektahan ang mas marami laban sa virus.
Nauna ng nag-isyu ang CHED at DOH ng isang joint Memorandum circular No. 2021-001 o ang guidelines para sa gradual na muling pagbubukas ng mga campuses sa higher educational institutions para sa magsagawa ng limited face to face classes sa gitna ng pandemya.