Naniniwala si Sen. Ronald Bato dela Rosa sasamantalahin ng Communist Party of the Philippines -New People’s Army ang pagbabalik na ng face-to-face classes para mag-recruit ng mga estudiyante.
Ginawa ni Sen. Dela Rosa ang babala kasunod ng desisyon ng Manila Regional Trial Court na ibasura ang petisyon ng Department of Justice na ideklarang terrorist group ang CPP-NPA.
Sinabi ni Dela Rosa, noong kalakasan ng COVID-19 at online o modular lamang ang klase, walang ma-recruit ang mga rebelde pero ngayong face-to-face na uli, malaki na naman ang tsansa nilang makapanghikayat na sumapi sa kanilang kilusan.
Ayon kay Dela Rosa, kaya dapat subaybayan ng mga magulang ang kanilang mga anak lalo ang mga organisasyong sinasalihan.
Pinag-iingat din ng senador ang mga kabataan na kung may mga lakad na ayaw ipasabi, magduda na sila dahil baka dadalhin na sila sa bundok para sa immersion at CPP-NPA na pala ang kaharap nila.
“Yun nga ang ating dapat bantayan dahil balik na face-to-face ang mga makakaliwang grupo sa schools, nung kalakasan ng covid wala sila marecruit, ngayong face-to-face na naman malaki na naman tsansa nila makapanghikayat na naman sila, bantayan dapat, tayong mga parents mismo subaybayan natin ang mga bata. At ang mga bata naman kung may lakad kayo na ayaw ipaalam sa parents magduda na kayo, dahil baka pupunta na kayo sa bundok para sa immersion at CPP-NPA na pala ang kaharap nyo, ingat mga kabataan,” ani Sen. Dela Rosa.