Nagpaliwanag ang isang opisyal ng social media giant na Facebook matapos i-shutdown ang nasa halos 200 accounts na konektado umano sa campaign manager ni Pangulong Duterte na si Nic Gabunada.
Ayon kay Nathaniel Gleicher, head ng Facebook Cybersecurity Policy, nadiskubre ng kanilang hanay na peke ang impormasyon sa registration ng 67 pages, 68 accounts, 40 groups at 25 Instagram accounts dahil lahat daw ito ay konektado sa isang network na hawak umano ng akusado.
Kataka-taka raw kasi na puro political at mga balitang may kinalaman sa darating na halalan ang lamang ng nabanggit na mga account.
“The people behind the activity attempt to conceal their identities and make them look like their independent but in fact our investigation could confirm that this was a cluster of coordinated behavior that has links to a network organized by Nic Gabunada,” ani Gleicher.
May mga laman din daw na impormasyon ang naturang accounts na tila patama sa mga taga-oposisyon at dating administrasyon.
Si Gabunada ang humawak sa social media campaign team ni Duterte noong tumakbo ito para sa 2016 national elections.
Batay sa datos ng Facebook, aabot sa higit 3-milyong users ang nagfa-follow sa kada account na isinara.
Tinatayang nasa $59,000 naman ang pinaniniwalaang nagastos para sa advertising ng kada pages.
Sa ngayon iniimbestigahan na raw ng Facebook ang motibo ng mga nasa likod ng tila misinformation campaign.
Ipapadala na rin daw nila sa ilang mambabatas at Commission on Elections ang ulat hinggil dito.
“It’s not because who’s behind it. It’s not because of what they’re saying. This is a behavior-based investigation,” ani Gleicher.