-- Advertisements --
PDuterte 1

DAVAO CITY – Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang social networking site na Facebook matapos malaman nito na ilan sa mga social media account na konektado sa militar at pulisya ang inalis ng nasabing media giant.

Nalaman din ng Pangulo na kabilang rin sa mga tinanggal ng Facebook ang mga adbokasiya ng pamahalaan dahilan kaya kinuwestiyon nito ang Facebook kung ano ang rason nito para mag-operate sa bansa.

Sinabi rin ng punong ehekutibo na dahil pinayagan itong mag-operate dito sa bansa, dapat makiisa ang nasabing social media giant sa mga adbokasiya ng gobyerno na makakabuti sa kapakanan ng taongbayan.

Aniya, hindi umano ginagamit ng gobyerno ang facebook para sa mass destruction at mass massacre.

Kung maalala nasa 57 Facebook accounts, 31 Facebook pages, at 20 Instagram accounts ang inalis ngayon sa social media platform kung saan kabilang dito ang sa militar at kapulisan.

Una na ring sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na dapat maging maingat din ang Facebook sa kanilang mga aksiyon para hindi umano ito pagdudahan na may kinikilingan.

Sinabi rin nina PNP chief Gen. Camilo Cascolan at Armed Forces of the Philippines chief Gen. Gilbert Gapay na mahigpit naman na sinusunod ng kanilang mga organisasyon ang mga patakaran ng naturang social media giant.