Babawasan daw muna ng mga social media apps na Facebook at Instagram ang quality ng kanilang video streaming upang mapagaan ang internet capacity.
Sa gitna na rin ito ng umiiral na enhanced community quarantine sa ilang bahagi ng bansa dahil sa coronavirus, dahilan para mapilitan ang milyun-milyong katao na manatili muna sa kanilang mga tahanan.
“The measure is expected to address network congestion and free up bandwidth allocation that may be used for other vital online services,” saad sa pahayag ng Facebook.
Maging ang online streaming platforms na Netflix at Google ay nagpatupad na rin ng kahalintulad na hakbang, sang-ayon sa request ng National Telecommunications Commission.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology Sec. Gringo Honasan, nagdulot ang ECQ ng paglaki sa paggamit ng digital services at streaming platforms na nakakaapekto sa internet infrastructure ng Pilipinas.
“Along with food, water, and medicine, connectivity is vital for the people right now. With the participation of our private sector, we hope to maintain and improve the Filipino’s Internet connectivity during this crisis,” wika ni Honasan.