CAUAYAN CITY- Nagviral ang facebook post ng isang opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa nasabing facebook post, makikita ang Vice President na may kasamang lalaki sa iba’t ibang larawan.
Sa post ng We Support Vice President Leni Robredo Facebook Page kanilang sinabi na matagal ng klinaro ni VP Leni na hindi totoo ang nasabing isyu at malisyoso at pagpapakita ng kawalan ng respeto ang ginawang ito ng Provincial Administrator ng Isabela.
Ayon pa sa facebook page sa dinami-dami ng mga isyu na dapat i-address sa panahong ito, nakakalungkot na pinipili umano ng mga taong kagaya ni Provincial Administrator Lopez ang magpalaganap ng gawa-gawang kuwento at fake news.
Umani naman ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizens ang post na ito ng mga supporters ng Bise Presidente.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Albano, nakausap na niya si Provincial Administrator Lopez may kauganayan sa viral facebook post nito laban kay Vice President Leni Robredo at sinabi umano nito sa kanya na na-hacked ang kaniyang social media account.
Pinayuhan umano ng Gobernador si Lopez na itigil na ang pagpopost gamit ang hacked account.
Para naman kay Governor Albano maaaring ang viral post ay opinyon lamang ni Atty. Lopez gayunman, bagamat malaya itong magpahayag ng kaniyang opinyon ay hindi dapat mamersonal o manira ng ibang tao.
Paglilinaw pa niya na apolitical person o walang pinapanigan pagdating sa pulitika si Atty. Lopez kahit madalas itong ma-bash sa social media.
Sa ngayon ay wala pang plano si Governor Albano na makipag uganyan kay Vice President Leni Robredo kung sakali mang makarating na sa kaniya ang naturang Facebook post ng Provincial Administrator ng Isabela.
Naniniwala naman si Governor Rodito Albano na hindi makakaapekto sa kanilang pamumuno sa lalawigan ng Isabela ang naging kontrobersiyal na facebook post ni Provincial Administrator Noel Lopez.
Sinikap naman ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng pahayag si Atty. Noel Lopez kaugnay ng isyung ito subalit hindi niya sinasagot ang tawag o text ng Bombo Radyo.
Hindi na rin makita sa facebook ang account ni Atty. Lopez.