LAOAG CITY – Bumuo si Mayor Michael Marcos-Keon sa lungsod ng Laoag ng fact-finding committee na magiimbestiga sa nangyaring rambolan ng mga tatlong miyembro ng konseho sa nasabing lungsod.
Ayon kay Mayor Keon, pangunahan ni Atty. Josephus Neres, legal officer ng pamahalaan sa lungsod ng Laoag ang nasabing komite.
Maalala na naging usap-usapan ang rambolan nina Konsehal Edison Bonoan, Konsehal Edison Chua at Konsehal Justine Chua sa harap mismo ng Laoag City Hall dahil lamang sa isyu ng pagpasa ng prangkisa ng tricycle.
Maliban sa mga tatlong konsehal ay ipapatawag pa ang dalawang kasama nila na sina Sangguniang Panlungsod Member Roque Benjamin Ablan at SP Member Jaybee Baquiran.
Una nang sinabi ng alkalde na hindi big deal ang nangyari pero dahil hindi pa rin humuhupa ang isyu ay nagdesisyon na bumuo ng fact-finding komite na magimbestiga sa nangyari.
Hanggang ngayon ay nanatiling tahimik naman ang tatlong sangkot na konsehal.