Bumuo na ang Commission on Elections (Comelec) ng isang fact finding committee para imbestigahan ang kandidatura ni suspended Bamban Mayor Alice Guo noong 2022 elections.
Ito ay mahigit 2 buwan mula nang pumutok ang kontrobersiya sa kaduda-dudang nasyonalidad ng suspendidong alkalde.
Sa isang liham na may petsang Hulyo 6, inatasan ni Comelec Chairman George Garcia ang law department ng poll body na lumikha ng naturang panel na tutukoy kung may material misrepresentation sa kanyang certificate of candidacy na magpapatunay para sa pagsasampa ng kaso ng election offense.
Makailang beses na ngang sinabi ng Comelec na mayroon lamang silang ministerial duty para tumanggap ng COC, ibig sabihin, tinitingnan lang nila kung matagumpay na napunan ang mga form nang hindi hinuhusgahan ang nilalaman nito.
Kung maaalala, una ng kinuwestiyon ang nasyonalidad ng alkalde sa pagdinig ng Senado noong Mayo 7 dahil sa kanyang kaugnayan umano sa POGO na sangkot sa mga ilegal na operasyon sa kaniyang bayan sa Bamban matapos iulat ni Sen. Risa Hontiveros na bigla na lamang lumutang ang pangalan ni Guo sa halalan noong 2022.
Dito na kinuwestyon ng Senadora kung may public records si Guo na magpapatunay na may matibay siyang pagkakakilanlan bilang isang Pilipino para tumakbo sa posisyon sa gobyerno.
Subalit kalaunan sa mga pagdinig sa Senado nakitaan ng mga butas ang birth certificate ni Guo na lalo pang nagresulta ng mga pagdududa sa kaniyang pagkatao na siya ay Chinese at hindi Pilipino.
Nitong nakaraang linggo lamang, ibinunyag ng National Bureau of Investigation na tumugma ang fingerprints ni Guo at ng Chinese citizen na si Guo Hua Ping na nasa Alien Fingerprint Card na narekober mula sa NBI master files. Nagpapakita ito na iisang tao lang si Mayor Alice Leal Guo at chinese na si Guo Hua Ping.
Subalit sa kabila ng mga iprinisentang dokumento, makailang ulit pa ring itinanggi ng kampo ng suspendidong alkalde ang mga alegasyon laban sa kaniya.