Hindi mag-aatubili ang Philippine National Police (PNP) na arestuhin at sampahan ng kaso ang mga faculty members at instructors na mapapatunayang nanghihikayat sa mga estudyante na mag-aklas laban sa gobyerno.
Pagbibigay-diin ni PNP chief Oscar Albayalde na hindi naman kaila na may mga propesor o faculty members na pinasusweldo ng gobyerno ang umano’y numero uno ring kritiko ng pamahalaan.
Ayon kay Albayalde, dapat mag isip ang mga mag-aaral ng mga state universities and colleges (SUC) na pinag-aaral sila ng gobyerno kaya’t marapat lang na suklian ito ng tama.
Inihalimbawa ni Albayalde ang mga pulis at sundalo na matapos pag aralin ng gobyerno ay sinusuklian nila ito ng serbisyo at sakripisyo.
“What we are going to do. We will coordinate with them. Ang approach natin dito is kung ano ang maitulong namin, ng gobyerno lalo na kung sa mga bata na magkaroon ng malawakan yung kanilang pag-iisip, kanilang understanding, knowledge on what is really happening and what really need kasi itong mga batang ito palagi natin sinasabi ito ‘yung mga tinatawag nating future. Ito ‘yung pag asa ng bayan natin and those especially mga nag-aaral sa mga state universities na kailangan meron average na maintain these are considered the cream of the crop already. Kung sila ay cream of the crop they should be the hope of the land,” pahayag ni Albayalde.
Samantala, walang listahan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay sa listahan ng mga eskwelahang pinasok na ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) para mag-recruit ng mga estudyante.
Ayon kay NCRPO chief PDir. Guillermo Eleazar, iba-validate nila ang impormasyon ng sandatahang lakas kung saan 18 paaralan sa Metro Manila ang kanilang tinukoy na may ongoing recruitment sa mga mag aaral.
Sinabi ni Eleazar na sa oras na ma-validate nila ang impormasyon ay magkakaroon sila ng case build up hanggang sa makahanap ng ebidensya at dito na maaring kumilos ang pulisya laban sa mga umano’y nagrerecruit ng mga estudyante para mag-aklas laban sa pamahalaan.