-- Advertisements --
Sen Trillanes
Ex-Sen. Antonio Trillanes IV

CEBU CITY – Iminungkahi ni dating Senator Antonio Trillanes IV na dapat kasuhan ang dating Bureau of Corrections chief na si Nicanor Faeldon.

Ito ay alinsunod sa pagkatanggal ni Faeldon sa kanyang pwesto dahil sa isyu sa pagpapalaya ng ilang mga inmates kung saan inabuso ang bisa ng good conduct time allowance (GCTA) law.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Trillanes, sinabi nito na dapat alamin sa isinasagawang Senate inquiry kung may basbas ba mula sa Malacañang at sa Department of Justice ang pagpapalaya ng mga inmates na sangkot umano sa heinous crimes.

Sinabi rin ng dating senador na tila kontrolado umano ang mga sagot ni Faeldon sa nakaraang mga inquiry dahil takot umano itong mabisto tungkol sa kwestyunableng pagpapalabas ng mga nakakulong.

BuCor Faeldon
Ex-Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon

Dapat aniyang malaman ng mga nagsasagawa ng inquiry kung ano ang pinagmulan ng naturang isyu upang mapatunayan kung sino ang dapat managot.

Samantala, ibinunyag din ni Trillanes na lumihis umano ang pag-iisip ni Faeldon kaya naman tinanggal ito ng grupong Magdalo noong 2006 bilang kanilang miyembro.

Ayon sa dating senador na miyembro rin ng Magdalo group, may mga nagawa umanong paglabag gaya ng pagtakas si Faeldon sa kustodiya ng mga otoridad sa kasagsagan ng Oakwood mutiny.