Umaapela si Albay Rep. Edcel Lagman sa gobyerno na huwag nang i-recycle pa si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon sa oras na mapatalsik o magbitiw ito sa puwesto.
Sinabi ni Lagman na hindi dapat konsintihin ng gobyerno ang pag-recycle sa mga patapon na mga opisyal ng gobyerno.
Ang pagpayag aniya ni Faeldon na mapalaya si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez at iba pang “heinous” crimes convcits ay malinaw na kapabayaan sa tungkulin.
Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi na dapat ilipat si Faeldon sa iba pang tanggapan dahil sa posibleng gawin ulit nito ang mga katiwalian.
Kung maaalala, unang naitalaga si Faeldon bilang Commission ng Bureau of Customs kung saan nadawit naman ito sa smuggling ng P6.4 billion halaga ng shabu.
Samantala, inirekomenda ng isang kongresista na isama si Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa mga ipinapatawag sa imbestigasyon ng Senado at Kamara kaugnay sa naging papel nito sa muntik na paglaya ng convicted rapist at murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Ito ang suhestiyon ni Bayan Muna Party-list Rep. Ferdinand Gaite matapos na ibunyag ni Atty. Reynaldo Bayang, Board of Pardons and Parole (BPP) Executive Director-3, sa pagdinig sa Senado tungkol sa referral ni Panelo sa hinihiling na executive clemency ng pamilya ni Sanchez.
Maituturing na panghihimasok ayon kay Gaite, ang ginawa ni Panelo lalo pa at tumatayo ito bilang presidential legal counsel.
Maikokonsidera rin aniya itong paraan para mapaboran ang application ng dati nitong kliyente na makalaya ng maaga.
Bagama’t referral letter lamang ito, iginiit ng kongresista na hindi ito dapat isawalang bahala sapagkat hindi naman ito pangkaraniwan.
Lahat ng gawing hakbang aniya ni Panelo ay tiyak na may bigat kaya marapat lamang na magpaliwanag ito hinggil sa kanyang naging papel sa naturang usapin.