-- Advertisements --

Nanindigan si Bureau of Corrections (BuCor) director Gen. Nicanor Faeldon na hindi ito magbibitiw sa puwesto, sa kabila ng mga kontrobersiyang bumabalot sa kaniyang tanggapan dahil sa pagpapalaya sa ilang convicted criminals.

Ito ang sinabi ni Faeldon, makaraang tanungin siya ni Sen. Risa Hontiveros kung hindi bababa ang opisyal sa kaniyang posisyon.

Para kay Hontiveros, napakaraming pagkakamali ng BuCor head at mga tauhan nito sa pagpapatupad ng batas ukol sa mga bilanggo.

Pero ayon kay Faeldon, ipinauubaya niya ang kapalaran sa appointing authority na si Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit din nitong ipinatutupad lang nila ang batas kahit minsan ay labag ito sa kanilang kalooban.

Kapag hindi aniya kasi pinalaya ang mga presong pasok sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), sila naman ang maaaring mabalikan ng kaso ng kampo ng mga inmates.

Una nang dumipensa si Faeldon na sinunod lang nila ang panuntunan na dati nang ipinaiiral mula pa noong mga nakaraang taon.

Giit pa nito na hindi nakasaad sa batas na bawal isama sa mabibigyan ng GCTA ang mga nakagawa ng “heinous crimes.”

Lumalabas umanong opinyon lamang ang mga lumutang na hindi maaaring makalaya ang mga convicted criminals na nakagawa ng karumal-dumal na krimen.