Hinimok ng kampo ng sinibak na Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon ang iba pang opisyal ng ahensya na magsalita hinggil sa issue ng good conduct time allowance (GCTA).
Ito ang tugon ng abogado ni Faeldon na si Atty. Jose Diño kasunod ng pagtanggal dito ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.
Ayon kay Diño, walang dapat ikatakot ang BuCor officials na may hawak na impormasyon hinggil sa kontrobersya dahil tiniyak ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasailalim sa mga ito sa witness protection program.
Handa na raw si Faeldon na magsalita kaugnay ng issue lalo na’t wala na ito sa posisyon.
Gusto rin umano nilang malaman kung totoong nagkaroon ng bayaran sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kapalit ng GCTA.
Una ng sinabi ni Senate Pres. Tito Sotto III na may witness itong hawak na magsasalita kaugnay ng bentahan ng GCTA.