Posibleng ipatawag pa rin ng Senado sa mga susunod na hearing si Bureau of Corrections (BuCoR) Dir. Gen. Nicanor Faeldon, kahit makadalo man o hindi ngayong araw dahil sa lawak ng inaasahang sakop ng pagdinig.
Nauna nang pinadalhan ng imbitasyon si faeldon, ngunit may naka-schedule din itong seminar sa Canadian embassy.
Pero tiwala si blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon na marami pa ring mahihimay na isyu dahil imbitado naman nila ang iba pang opisyal ng Department of Justice (DoJ), BuCor, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at marami pang iba.
Inanyayahan din nila ang pamilya ng mga naging biktima ng convicted criminals na sinasabing napalaya.
Kasama sa mga dadalo ang mga kaanak ng Chiong sisters mula sa Cebu, pamilya ni Eileen Sarmenta at Allan Gomez, pati na ang iba pang personalidad.
Sa panig naman ng Kamara, sinabi ni PBA partylist Rep. Jericho Nograles na maaari rin silang magpatawag ng hearing hinggil dito sa mga susunod na araw.
Pero mag-aantabay daw muna sila sa Senate hearing, upang hindi na paulit-ulit ang isyung itatanong.