-- Advertisements --

Nag-report na rin si Assistant Secretary Nicanor Faeldon sa Office of Civil Defense (OCD) kung saan agad itong sumabak sa isang pagpupulong na pinangunahan ni NDRRMC Executive director at civil defense administrator at Usec. Ricardo Jalad.

Ngayon ang unang araw na nag-report si Faeldon bilang Civil Defense Deputy Administrator for Operations.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, nag-report na sa kaniyang opisina si Faeldon at nakipagkita ito sa kanilang operations service director at binigyan naman ito ng briefing kaugnay sa kanilang operasyon.

Alas-8:00 kaninang umaga nang mag-report sa trabaho si Faeldon matapos palayain ng Senado mula sa pagkakakulong nito.

Ang nasabing pagpupulong ay may kaugnayan sa Task Force Bangon Marawi kung saan tuloy tuloy pa rin ang rehabilitation sa nasabing siyudad.

Sinabi ni Marasigan na welcome sa ahensiya si Faeldon.

“Well welcome naman sya dito, like I said ano, yesterday din, I was asked about his service, na an additional official dito sa ating office is very much welcome, syempre since ang battle cry natin is to serve and protect the people, an additional brain and brawn would be very much welcome to help us to pursue our advocacies and campaign,” pahayag pa ni Marasigan.