Patuloy ang pagganda ng kondisyon ni June Mar Fajardo mahigit tatlong buwan matapos itong sumailalim sa surgery upang ayusin ang na-fracture nitong kanang binti.
Ayon kay Fajardo, hindi na raw nito masyadong ginagamit ang kanyang mobility scooter at kaya na raw nitong makalakad na walang ginagamit na suporta.
“Okay naman. So far maganda naman `yung healing. Ngayon nakakalakad na ako, kaya sana tuluy-tuloy na,” wika ni Fajardo.
Magugunitang huling nagpakita sa publiko ang Cebuano gentle giant noong Marso 8 nang kanyang kunin ang ikaanim na sunod nitong MVP award sakay sa isang scooter.
Sa kabila naman ng patuloy na paggaling ni San Miguel center at kasabay na rin ng indefinite suspension ng liga dahil sa coronavirus pandemic, naniniwala si Beermen head coach Leo Austria na hindi pa rin makakabalik si Fajardo sa paglalaro ngayong season.
“Makikita naman natin na yung improvement niya is right on track. But I think next season na siya talaga makakalaro dahil 10-12 months ang binigay sa kanyang rest time bago siya makabalik sa dati niyang health,” ani Austria.
Dahil sarado ang mga training facilities dahil sa lockdown, inihayag ni Fajardo na ginagamit niya raw ang mga equipment sa kanilang bahay para palakasin ang kanyang upper body.
“Sa lower body hindi pa ako puwede, pero sa upper nakaka-workout na ako. May mga gamit naman ako dito sa bahay, may dumbbells and pang-squat ako. Saktong pang home gym lang talaga, pangbahay na workout lang.”