Tinawag na fake news ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kumakalat ngayon sa social media ang “no bakuna, no ayuda policy.”
Binalaan ni DILG spokesperson Usec Jonathan Malaya ang publiko kaugnay sa kumakalat na maling impormasyon.
Sa isang statement sinabi ni Malaya, na walang katotohanan ang nasabing rumor na ang mga bakunadong indibidwal lamang ang makakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Malaya na ang Ayuda 2 na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay para sa mga low-income na mga kababayan at mga pamilya sa National Capital Region anupaman ang kanilang vaccination status.
Sa ngayon isinasapinal na ang guidelines para maipamahagi na ang nasabing pondo sa mga kababayan natin, kahalintulad din ito ng Ayuda 1 nuong buwan ng Abril.
Inihayag din ni Malaya na magpapatuloy ang vaccination program ng mga local government units sa loob ng dalawang linggo sa kabila na nasa enhanced community quarantine (ECQ) period ang NCR.
Nasa 4 million na dagdag na bakuna ang ilalaan ng gobyerno para mabakunahan ang mga residente sa NCR.
Binigyang-diin ni Malaya na gagamitin ng pamahalaan ang 2-week lockdown para mapataas pa ang bilang ng vaccination sa Metro Manila sa pakikipagtulungan ng mga LGUs ng sa gayon makamit na ang population protection ngayong taon.
Dagdag pa ng opisyal na lahat ng mga indibidwal na naka iskedyul para magpa bakuna ay kinukunsoderang Authorized Persons Outside Residence (APORs) at papayagan na dumaan sa mga checkpoints subalit dapat ipakita ang kanilang vaccination schedule.
Samantala, papayagan pa rin makalabas ang mga indibidwal na APOR sa panahon umiiral ang ECQ kahit hindi pa ito bakunado.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, hindi naman pinagbawalan ang mga APOR na di bakunado na lumabas ng tahanan.
Aniya, walang katotohanan ang balita na hindi makakalabas ang mga hindi bakunadong APOR.