Inakusahan ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City ang kampo ng mga Duterte na nagpapakalat ng mga fake news upang malihis ang atensyon ng publiko sa mga seryosong alegasyong nakalatag sa reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Zamora ang pahayag kasunod ng pagbatikos ng Malacañang kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng mga walang basehang pahayag na nagnakaw at ibinenta ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang gold reserve ng bansa.
Tinukoy pa ng lider ng Kamara na ginagamit ng mga Duterte ang lahat ng uri ng panlilinlang para lang mailayo ang dikusyon mula sa impeachment case.
Ayon kay Zamora, hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakalat ng maling impormasyon ang dating Pangulong Duterte para manipulahin ang publiko.
Ipinagmalaki ng dating Pangulo na maraming Pinoy ang nagkaroon ng trabaho sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Subalit taliwas ito sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa ngayon bumaba na sa 3.82% ang unemployment rate sa ilalim ng administrasyong Marcos nitong 2024, malaking kabawasan mula sa 10.26% noong 2020, sa ilalim ng liderato ni Duterte.
Kabilang sa seryosong mga alegasyong nakapaloob sa Articles of Impeachment ay ang umano’y maling paggamit sa ₱612.5 million na confidential funds sa ilalim ng kaniyang pamumuno bilang Vice President at Education Secretary.
Kasama rin sa mabibigat na akusasyon ang pagbabanta ni Duterte laban sa buhay ni Pangulong Marcos na naging banta sa pambansang seguridad.
Nanawagan si Zamora sa Senado na kagyat nang umpisahan ang paglilitis bago pa lumaganap ang misinformation campaign ng mga Duterte at mabura ang katotohanan.
Diin pa niya na hindi lang ito laban ng mga indibidwal ngunit pagprotekta sa integridad ng demokrasya ng Pilipinas.