Mariing pinasinungalingan ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na siya ay nagbitiw na sa pwesto matapos madawit sa umano’y maanomalyang Pampanga drug raid noong 2013 na pinangunahan ng mga tinaguring ninja cops na nagre-recycle ng mga iligal na droga.
Sa official statement ni Albayalde na inilabas ng PNP Public Information Office (PIO), tinawag ni PNP chief na “smear campaign” o paninira lamang sa kaniya ang mga kumakalat na text message na siya ay nagbitiw na sa pwesto.
“I question the timing of this attack and smear campaign against me. Until now, despite the Senate hearings conducted, no hard evidence was ever presented showing that I was involved in that drug raid in Pampanga in 2013. All statements made remain allegations, insinuations, and unsubstantiated,” pahayag ni Gen. Albayalde.
Binigyang-diin din ni Albayalde na kaniya ng ipinauubaya kay Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang magiging desisyon nito at kung tatanggalin na siya sa pwesto.
Sa darating na November 8, 2019 ay nakatakdang magreretiro na sa serbisyo si Albayalde.
Nanindigan naman si Albayalde na walang matibay na ebidensiya na mag-uugnay sa kaniya sa illegal drugs at nakinabang sa kahinahinalang drug operations.
Muling inulit ni Albayalde kung ano ang motibo ni dating deputy director ng CIDG na si retired Gen. Rudy Lacadin.
Ibinunyag ni Lacadin sa Senado kahapon na tinawagan siya ni Albayalde kaugnay sa imbestigasyon sa 13 ninja cops na dati niyang mga tauhan.
Ayon kay Lacadin, sinabi raw ni Albayalde na “kakarampot lang” ang nakuha niya sa raid.
Inihayag naman ni PNP chief na hindi niya kaibigan si Lacadin pero naging franchisee ito sa kanilang water refilling station business noong taong 2011.
Inihayag pa nito na ang mga dating opisyal ng PNP na nagdadawit sa kaniya sa “agaw bato scheme” ay nanilbihan daw sa dating administrasyon.
“Lacadin has a lot of explaining to do and he will have his day in court. All those police officials ganging up on me have ill motives against me and obviously all worked with the previous administration,” dagdag na pahayag ni Albayalde.