Nagpahayag ng pagkabahala si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz sa lumalalang pagkakahati-hati ng mga Pilipino dahil sa pagkalat ng fake news, online disinformation at misinformation.
Ito ang sinabi ni Ruiz sa pagharap nito kahapon sa ikatlong pagdinig ng House Tri-Committee kaugnay sa mga malisyoso at fake online content.
Binigyang-diin ni Ruiz ang pagkakawatak-watak na nararanasan sa bansa ay hindi nalalayo sa kaguluhang nangyayari sa Estados Unidos.
Nagpapasalamat naman ang kalihim sa hakbang ng Tri-Comm sa pag-iimbestiga sa fake news at tiniyak ang pakikipagtulungan ng PCO, Department of Justice (DoJ), at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang labanan at sugpuin ito.
Ayon sa Kalihim, ang pagsugpo sa mapanlinlang na nilalaman sa internet ay isang mahalagang laban na dapat harapin ng buong bansa.
Nagbabala naman si Ruiz sa panganib ng pagkakawatak-watak ng mamamayan na dulot ng online disinformation at fake news.
Binalaan rin niya ang publiko tungkol sa mga panganib ng deep fakes.
Sinabi niya na nakatanggap ang PCO ng mga reklamo mula sa ilang overseas Filipino workers na nabiktima ng mga scam gamit ang deep fake technology at pekeng video ng mga kilalang personalidad.
Hinikayat din ni Ruiz ang pagpapatupad ng regulasyon hindi lamang sa mga online media practitioners kundi maging sa mga social media platform tulad ng TikTok, Facebook, at YouTube.
Aminado si Secretary Ruiz na isang malaking hamon na hindi nakabase sa Pilipinas ang mga tinukoy na social media platforms.