-- Advertisements --
Comelec Spokesman James Jimenez

VIGAN CITY – Mahigpit umanong pinaghahandaan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagsugpo sa mga posibleng kumalat na mga pekeng balita sa online world kasabay ng pagsisimula ng overseas voting sa Sabado, Abril 13.

Ito ay sa kabila pa rin ng patuloy na paghahanda ng COMELEC sa aktwal na halalan sa darating na May 13 na isasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sinabi ni COMELEC spokesman James Jimenez sa Bombo Radyo Vigan, na kasalukuyan nang nagsasanay ang kaniyang grupo para sa inaasahang paglaganap ng fake news hinggil sa midterm election ngayong taon.

Aniya, pinag-aaralan nila kung ano ang pinaka-epektibong solusyon upang masugpo ang mga posibleng kumalat na fake news partikular sa mga social networking sites.

Maliban pa rito, nag-iisip din umano sila ng paraan upang agad na matanggal sa internet ang mga fake news na may kaugnayan sa halalan upang hindi na mabasa pa ng karamihan at pagsimulan ng iba’t ibang ispekulasyon hinggil sa magiging resulta ng midterm election.

Ayon kay Jimenez, isa sa mga fake news na inaasahan nilang lalabas sa pagsisimula ng overseas voting ay ang video ng mga botante na nagsasalita sa kanilang local dialect kung saan sinasabi nila na hindi tama ang lumabas sa kanilang resibo.